'Gorio', lumakas pa; Maynila, Luzon maulan hanggang Sabado

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 06:56 PM | Updated as of Jul 29 2017 02:44 AM

Lumakas at inaasahang mas lalakas pa ang bagyong 'Gorio' habang patuloy rin nitong pinag-iibayo pa ang hanging habagat na nakaaapekto sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa susunod na 24 oras, magiging maulap na may pabugso-bugsong pag-ulan at pagkidlat sa ilang bahagi ng Luzon, samantalang magiging maganda ang lagay ng panahon ngunit may panaka-nakang pag-ulan naman sa Visayas at Mindanao, ayon sa ulat-panahon ng PAGASA nitong Biyernes, alas-5 ng hapon. 

Itinaas na ang tropical cyclone warning signal number 2 sa Batanes, samantalang signal number 1 naman sa Babuyan Group of Islands. 

Magiging maulan pa rin sa Metro Manila, Ilocos region, Central Luzon, MIMAROPA, at CALABARZON. Pinag-iingat pa rin ang mga nakatira sa mga lugar na ito mula sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa. 

Magpapatuloy pa rin ang pabugso-bugsong pag-ulan sa Metro Manila ngayong darating na Sabado, samantalang inaasahan namang bubuti na ang panahon sa darating na Linggo

Ipinagbabawal na rin sa mga maliliit na sasakyang pandagat ang paglalayag sa karagatan sa Hilagang Luzon at sa kanlurang karagatan ng Gitnang Luzon. 

Huling namataan ang bagyo sa 300 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes at kumikilos ito nang pahilaga, hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

May lakas ng hangin itong umaabot sa 120 kilometro kada oras, at bugso ng hanging nasa 145 kilometro kada oras. 

Habang papalapit ng Taiwan ang bagyong 'Gorio', maaasahang mas lalakas pa ito. 

Linggo naman ng hapon inaasahang nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong 'Gorio'.

Samantala, inaasahan namang hihina ang tropical depression na namataan sa 600 kilometro sa kanluran ng Calayan, Cagayan sa labas ng Philippine Area of Responsiblity. Hihigupin ito ng bagyong 'Gorio' at tinatayang hindi na papasok sa PAR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.