Duterte, pinauuwi si Joma para magharap sila

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 05:40 PM | Updated as of Jul 29 2017 01:44 AM

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Jose Maria Sison, ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), na umuwi na sa Pilipinas.

Sinagot naman ni Sison ang panawagang ito, at sinabing huwag nang pilitin pa ng pangulo na magpakabrusko. 

"I dare you as a leader of the Communist Party, I dare you come home and fight your war here. Kasi ako nandito. Gusto mo tayong dalawa?" ayon kay Duterte sa isang talumpati nang bumisita siya sa burol ng mga pulis sa Negros Oriental na tinambangan ng NPA noong nakaraang linggo.

Nagpapakasasa umano si Sison sa Netherlands gayong naghihirap at namamatay naman ang kanyang mga tagasunod sa Pilipinas, ayon kay Duterte. 

"If you are truly a revolutionary leader, come home and fight here. All these years nandoon ka sa ibang lugar... Iyong mga dito na mga NPA, nangamatay na," ayon sa pangulo. “Magre-rebolusyon tapos nagatago sa ibang lugar. Dito tayo. Umuwi ka, ako ang magsalubong sa iyo.” 

Sumagot naman si Sison na handa siyang makipaglaban kay Duterte, at hindi siya papayag na madiktahan ng pangulong nananatiling tuta umano ng imperyalismo. 

"If deemed necessary by the revolutionary movement, I will return to the Philippines to fight the Duterte puppet regime of US imperialism. (But) I choose the battlefield where I fight and the types of battles that I wage," ani Sison sa kanyang Facebook post. 

Dagdag pa niya, hindi na niya kailangan pang patunayan ang kanyang kakayahan kay Duterte. Ilang dekada ring nanilbihan si Sison sa militar. 

"I surpass the field record of many reactionary military officers who are in the field for a few years until they are assigned desk jobs and then retire at the age of 56," aniya. "I do not have to prove again that I have the revolutionary will and courage to wage armed struggle against oppression."

Nanawagan din si Sison na huwag nang pilitin ng pangulo na patunayan ang kanyang pagkabrusko, lalo't tumatanda na siya. 

"At his ripe old age of 72, he should not try to project an image of a strutting young fighter at my expense," banat ni Sison. 

Ilang araw na ring nakikipagbangayan si Duterte kay Sison na dati niyang propesor matapos ianunsiyo ng pangulo na hindi na siya makikipag-usap pa sa mga komunista. 

Binatikos din ng pangulo ang umano'y pangongolekta ng NPA ng 'revolutionary taxes' o 'buwis' mula sa mga negosyante at mga residente. 

Samantala, umalma naman din ang mga komunista sa desisyon ni Duterte na ilagay ang Mindanao sa ilalim ng batas militar. 

Nag-utos naman ang pangulo sa Kongreso na gumawa na ng isang national security code. Sinabihan na rin niya ang mga awtoridad na huwag nang gamitin ang salitang 'revolutionary tax' at sugpuin na lamang ang mga insidente ng extortion at pangingidnap na gawa ng mga rebeldeng komunista. 

-- Ulat nina Dharel Placido at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.