Armadong pulis na nakipagtalo sa mga binatilyo, sibak

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 05:33 PM | Updated as of Jul 29 2017 02:08 AM

Tinanggal sa puwesto ang isang pulis na nakunan ng video na naglabas ng baril habang nakikipagtalo sa dalawang binatilyo sa Pasay. Nagsampa na rin ng demanda ang mga biktima laban sa pulis. 

Nag-viral sa social media ang video ng isang lalaking may nakasukbit na baril habang nakikipagdiskusyon sa mga binatilyo sa Pasay City noong Miyerkoles ng tanghali. 

Dahil sa post, napag-alamang pulis pala ang lalaking may baril na nakilalang si PO2 Manuel Taytayon ng Intelligence unit ng Southern Police District.

Simpleng away-kalye ang pinagmulan ng indisente, kuwento ng dalawang binatilyo. 

"Naglalakad kami ng kapatid ko sa plaza para sumakay ng jeep, tapos biglang may bumubusina sa likod namin na sasakyan para tumabi, e di tumabi kaming magkapatid [tapos] biglang huminto sa tabi namin 'tong matandang 'to, [tapos] nagbaba ng bintana... Bigla kaming sinigawan ng 'oh, ano problema ha?'" kuwento ni alyas 'Ronald'.

Doon na nagkasagutan sina Taytayon at mga binatilyo, hanggang sa bumaba ng sasakyan ang pulis, at sinaktan at binantaan umano ang dalawa. 

Masama ang loob ng magkapatid sa nangyari lalo't pulis pa ang umano'y nanakit sa kanila.

Nagsampa ng kasong child abuse ang dalawa laban kay Taytayon. 

Pinatanggal na rin ni National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde sa puwesto si Taytayon habang iniimbestigahan ang kanyang kaso. 

Tumanggi namang humarap sa camera ang nasabing pulis. 

Base sa salaysay ni Taytayon sa kanyang abogado, siya naman umano ang inagrabyado ng mga bata dahil bukod sa pagkatok sa kanyang sasakyan, pinagmumura at binantaan pa daw siya ng mga ito. 

Nagsampa naman ng kontra demandang libel at cyberbullying si Taytayon laban sa magkapatid dahil sa pagpost ng mga ito sa social media ng insidente. Ikinasira umano ito ng pagkatao ng nasabing pulis. 

Batay naman sa Philippine National Police circular, maaaring magdala ng baril ang pulis kahit nakasibilyan ngunit hindi ito dapat na nakalabas o naka-display. 

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.