Death squad, gumagala sa Caloocan?

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2016 09:28 AM

MANILA - Patay ang isang drug suspect matapos pagbabarilin ng mga lalaking naka-motorsiklo sa boundary ng Maynila at Caloocan, Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Jaime Trinidad, na kakasuko lamang sa Oplan Tokhang ng mga awtoridad.

Ayon sa imbestigasyon, nakatambay ang biktima sa labas ng kanyang bahay sa Gido 1, Barangay 3 nang sapilitan siyang tangayin nang apat na naka-motorsiklong suspek.

Makalipas ang 10 minuto, natagpuan si Trinidad na wala nang buhay at tadtad ng tama ng baril.

Iniwan sa tabi ng biktima ang isang karatulang may katagang "Pusher ito, huwag tularan."

Sa dulo ng karatula, nakasulat din ang "CDS", pero hindi tiyak kung nangangahulugan ito ng "Caloocan Death Squad."

Ito ang unang beses na narinig ng Manila Police District Station 7 ang "CDS", ayon kay Insp. Ness Vargas, hepe ng Anti-Crime Division ng istasyon.

"First time namin ma-encounter 'yan, walang death squad dito na nababalitaan namin," ani Vargas.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakalinlanlan ng mga salarin.