Waiter sa bar, naningil, nabaril

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 07:11 PM | Updated as of Jul 27 2017 10:37 PM

Patay ang isang waiter matapos barilin ng customer ng bar na kanyang pinagtatrabahuhan sa Barangay San Jose, A. Bonifacio, Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Narciso Besido Jr., na kusinero rin sa bar.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagpasok ni Besido sa bar habang papalabas naman ang isa pang lalaki at kanyang tatlong kasamahan. 

Maya-maya pa, bigla na lang binaril ng suspek si Besido sa ulo. Dead-on-the-spot si Besido habang mabilis na tumakas ang gunman at tatlo niyang kasamahan.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), posibleng napagtripan lang o kaya'y may galit ang mga suspek sa biktima.

Kuwento ng ilang testigo, sinisingil umano ng biktima ang hindi nabayarang ininom ng grupo ng suspek.

Mga regular na customer umano ng bar ang suspek at tatlong kasama nito.

Nakilala ang suspek na si Jonathan Martinez batay na rin sa kuha ng CCTV at sa mga salaysay ng ilang testigo na nakakita sa krimen.

Tukoy na rin ng QCPD ang lahat ng pangalan ng mga kasama ni Martinez nang gabing maganap ang pamamaril. Sasampahan sila ng kaso sa piskalya bukas.

Hustisya ang hiling ng naiwang live-in partner ng biktima na apat na buwang buntis.
        
Panawagan ng mga awtoridad sa publiko, itawag sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang anumang impormasyon ukol sa mga tumakas na suspek. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.