Serye ng sunog sa mga 'cleared' na bahay sa Marawi, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 07:27 PM | Updated as of Jul 27 2017 11:10 PM

Bago kumagat ang dilim nitong Miyerkoles, Hulyo 26, nasunog ang bahay ng isang rescuer sa Brgy. Port, Marawi. Natupok din ang nakaparadang tatlong sasakyan at dalawang motorsiklo.

Nagmamadali ang mga bumbero at rescuer ng lokal na pamahalaan para hindi kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.

Ang ipinagtataka ng may-ari ng bahay, malinaw na nakasulat sa kanilang gate na 'cleared' na ang bahay.

'Cleared area' rin o idineklarang wala nang terorista sa kanilang barangay kaya't paano pa raw iyon nasunog gayong malayo na sila sa war zone.

Nitong Miyerkoles din, nasunog ang bahay ng isang mag-anak at bumigay pa ang ikalawang palapag nito.

Kamakailan din lang, nasa 50 bahay ang nasunog sa Brgy. Datu Saber na nasa compound pa mismo ng 103rd Brigade.

Ilang araw nang palaging may sunog sa cleared areas kaya marami na ang nagdududa.

Ayon kay Lanao del Sur Vice Gov. Bombit Adiong, Jr., paiimbestigahan na nila ang dahilan ng mga sunog.

Pinakiusapan din niya ang mga kababayan na huwag nang magpilit bumalik muna sa Marawi para silipin ang lagay ng kanilang mga tahanan. Lubhang delikado pa rin kasi ang sitwasyon doon.

Nag-iimbestiga na rin ang Bureau of Fire Protection, pero ayon sa militar, ligaw na bala ang posibleng dahilan ng mga sunog. 

Paliwanag ni Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, kapag tumama kasi ang ligaw na bala sa mga bagay na madaling magliyab, nagiging sanhi ito ng apoy.

Pero duda sa paliwanag na iyan ang isa sa mga nasunugan.

Usap-usapan umano na sinusunog ang mga bahay pagkatapos pagnakawan.

Kung tutuusin daw kasi, malayo na sa bakbakan ang ilang bahay para tamaan pa ng ligaw na bala. Sementado rin daw ang ilang bahay na nasunog kaya imposibleng basta lang itong nagliyab.

Muli, iginiit ng militar na wala silang kinalaman sa mga alegasyon ng pagnanakaw at panununog.

Ayon pa sa militar, kung may may ebidensiya ng pagmamalabis ng mga sundalo, handa silang imbestigahan ito. -- Ulat ni Ron Gagalac ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.