Nahuling suspensiyon ng pasok sa Q.C., Makati, binatikos

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 07:20 PM | Updated as of Jul 27 2017 10:35 PM

Inulan ng batikos ang Quezon City local government matapos mahuli ang kanilang suspensiyon sa mga klase nitong Huwebes, Hulyo 27.

Dismayado ang mga magulang at estudyante dahil tuloy pa rin ang klase sa Quezon City kahit pa malakas ang buhos ng ulan.

Ang nanay na si Grace Tante, maagang gumising para ihatid ang anak sa eskuwela pero wala pang isang oras, sinundo na rin niya ang anak. Wala na raw kasing ibang pumapasok at nag-uwian na rin pati mga guro. 

Masama naman ang loob ni Jennifer Ilowa dahil sayang ang gastos nila sa pamasahe. Pinauwi rin kasi ng guro ang anak niya dahil pito lang silang pumasok sa klase. 

Giit pa ng mga magulang, dapat inagahan na lang ang pagkakansela ng klase para nakaiwas sa perwisyo.

Ganito rin ang nangyari sa Makati City na hindi nagsuspinde nang maaga at hinintay pa ang pag-anunsiyo ng Malacañang.

Sa social media, walang tigil ang batikos sa pamahalaan ng Makati at Quezon City.
 
Ayon kay Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council Chief Mike Marasigan, pinanindigan nila ang desisyon dahil wala namang storm warning signal na inanunsiyo ang PAGASA.
    
Pero lalong bumuhos ang ulan kanina at bumaha sa ilang lugar, kaya sa huli, tuluyan nang nagdeklara ng suspensiyon ang Quezon City bandang alas-11 ng umaga.

Humingi naman ng paumanhin si Quezon City Vice Mayor Belmonte sa mga magulang at estudyante na naperwisyo dahil sa mabagal na pagdesisyon ng lokal na pamahalaan.

Umapela rin si Belmonte sa PAGASA na magbigay ng karagdagang tips o rekomendasyon sa mga lokal na pamahalaan tuwing magpapalabas ng mga weather advisory.

Ayon naman sa PAGASA, may basehan ang lokal na pamahalaan sa unang naging desisyon nito na ituloy ang klase.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.