'Most threatened lake' sa Laguna, sinusubukang sagipin

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 09:37 PM

Tatanggalin ang fish cages mula sa Sampalok Lake sa San Pablo City upang subukang sagipin ang nangaganib na lawa.

SAN PABLO CITY - Taong 2014 nang ideklara ang Seven Crater Lakes ng Laguna bilang "most threatened lake" o pinaka-nanganganib na masirang lawa ayon sa isang international organization.

Nitong Martes, inaprubahan ng mga opisyal ang paglilipat ng fish cages mula Sampalok Lake patungo sa ibang bahagi ng Seven Crater Lakes sa San Pablo City upang subukang sagipin ang lawa.

Layon din umano nitong mapalawig ang turismo sa lugar. 

Ang lawa ang pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga residente. Pero dahil umano sa pag-abuso dito, pinangangambahan ang nakaambang pagkasira nito.

"Sa ilang taon nang nagdaan ay pinagaralan ito ng mga eksperto. Nagusap-usap, nagkaroon ng consultation sa local government units, fisherfolk, at ang kanilang panawagan ay i-revise 'yung zoning ng lake,” ani Jaime Medina, General Manager ng Laguna Lake Development Authority.

"At least magkakaroon na po ng espasyo sa mga activities for tourism ang atin pong lawa ng Sampalok,” ani San Pablo City Mayor Amben Amante.

Sinuportahan ng grupo ng lokal na mangingisda ang paglilipat ng fish cages.

"Sa sektor po ng mangingisda, wala po akong nakikita na dahilan para maapektuhan sila. Bagkus nga po gaganda pa para sa kanila kasi po 'yung zoning, hindi naman sila inaalisan ng hanapbuhay. Iyun nga lang, magkakaroon ng pagsasaayos,” ani Cristina Abrego, pangulo ng Seven Lakes Fisheries and Aquatic Resources Management Council.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.