Minimum oras ng biyahe para sa Uber, Grab, iminungkahi

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 09:41 PM | Updated as of Jul 27 2017 11:01 PM

Pinag-iisipan na ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkaroon ng minimum hours ang pag-online ng mga transport network vehicle service (TNVS) sa kalsada.

Higit anim na oras ang pangalawang pag-uusap ng technical working group na binuo ng LTFRB at mga transport network company (TNC) tulad ng Uber, Grab at U-hop. 

Nalaman ng LTFRB na inactive ang higit kalahati ng mga TNVS o ang iba naman, isa o dalawang oras lang ang biyahe sa isang linggo.

Kaya ang plano nila, mabigyan ng required na oras ang mga sasakyan sa ilalim ng Grab at Uber para hindi umano masayang ang prangkisang ibinibigay sa mga nagbibiyahe ng isa o dalawang oras lang. 

Isasama ang usaping ito sa pagrerepaso ng department order na gumawa sa TNCs sa kabila ng natatanggap nilang batikos sa social media.

Pero para magawa ito, kailangan munang makuha ng LTFRB ang master list ng mga sasakyan sa ilalim ng mga TNC. Dito rin malalaman kung ilan lang dapat ang mga TNVS na tumatakbo sa kalsada.

Iniutos din ng LTFRB na huwag nang mag-activate ng bagong TNVS ang Grab at Uber.

Nirerespeto naman umano ng Grab ang desisyon ng LTFRB at susundin ang utos ng ahensiya na hindi na mag-a-activate ng bagong TNVS.

Sa ngayon, walang hulihan ng colorum dahil pinag-aaralan na ng LTFRB ang ipinasang motion for reconsideration ng mga TNC.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.