Job fair para sa health workers sa ibang bansa, dinagsa kahit umuulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 07:25 PM | Updated as of Jul 27 2017 11:03 PM

Sa kabila ng bagyo at baha, hindi napigilan ang libo-libong jobseeker na dumayo sa isang job fair sa Pasay City na inorganisa para sa mga health care professional.

Walong recruitment agency at limang employers ang naghahanap ng mga nurse na maaaring i-deploy sa iba't ibang bansa gaya ng Middle East, United Kingdom at United States. 
 
Unang araw ngayon ng 2-day healthcare event sa Mariott Hotel na inorganisa para mapagtagpo ang Pinoy health workers, recruiting agency, at health institutions mula iba't ibang bansa.

Ayon sa mga recruiting agency, mataas pa rin ang demand sa mga Pinoy health worker sa ibang bansa. Bagama't marami ang oportunidad sa ibang bansa, mahalagang malaman muna umano ang requirements sa pag-a-apply.

Kailangang makakuha ng gradong 7 sa International English Language Testing System at pumasa sa UK Nursing and Midwifery Council Exam.

Sa United States naman, kailangang pumasa sa National Council Licensure Exam.

Payo naman ng Philippine Overseas Employment Administration, bago sumuong sa kahit anong application process, i-check muna kung accredited ang mga kausap na recruiting agency para hindi mabiktima ng mga illegal recruiter.

Matatagpuan sa www.poea.gov.ph ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga lehitimong recruitment agency.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.