Babae patay sa hit-and-run sa Las Piñas

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 09:30 PM

Patay ang isang babae matapos mabiktima ng hit-and-run ng rumaragasang SUV sa Talon Uno, Las Piñas nitong Martes.

Nakilala ang biktima na si Nenita Rafael, 41, na tumatawid lamang sa Alabang-Zapote Road nang mabundol ng SUV at tumilapon.

Naputol ang kaliwang paa at nabali at napilipit ang kanang braso ng biktima sa pagkakabangga. Nadala pa ito sa ospital pero binawian rin ng buhay bandang alas-3 ng hapon dahil sa matinding tama sa ulo.

Nakunan ang nakabanggang SUV sa walong camera ng barangay pero sa sobrang bilis nito ay hindi ito naplakahan at hindi matukoy kung anong klaseng sasakyan.

Galit ang ina ng biktima sa driver ng SUV na nakasagasa sa kanyang anak dahil para raw siyang bumangga ng hayop. 

Umaapela sila sa driver na lumutang at makonsensiya dahil anim na anak ang naulila sa pagkamatay ng biktima. 

Dagdag ng pamilya, walang permanenteng trabaho ang naulilang mister kaya problemado sila sa naiwang gastos sa ospital na halos P200,000, pati na ang pagpapalibing sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.