Pilipinas, pinag-iingat sa joint exploration kasama ang Tsina

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 07:20 PM | Updated as of Jul 26 2017 10:58 PM

Pinag-uusapan ngayon ang posibleng joint exploration sa pagitan ng China at Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Tiniyak ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na tatalima sa Saligang Batas ang ikinakasang joint exploration kasama ang China.

Nasa bansa rin ngayon si Chinese Foreign Minister Wang Yi para isulong ang pagpapatatag ng ugnayan ng dalawang bansa.

Sabi ng opisyal, "good neighbor" o isang mabuting kapitbahay ang Tsina.

Pero sa kabila nito, hindi maikakaila ang patuloy na pagpapalakas ng puwersa ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Ayon kay Cayetano, ginagawa naman ang lahat para protektahan ang interes ng Pilipinas.

Pero duda sa sinseridad ng Tsina si dating Ambassador to the U.S. Jose Cuisia Jr. 

Aniya, kung talagang sinsero ang Tsina sa pagiging mabuting kapitbahay, dapat boluntaryo silang umalis sa mga bahurang inagaw umano mula sa Pilipinas.

Pinag-iingat din ni Cuisia at ni dating National Security Adviser Roilo Golez ang pamahalaan sa planong joint exploration sa Tsina.

Ayon kay Golez, malaki ang tiyansang maagrabiyado ang Pilipinas ng Tsina dahil hamak na mas malaki, makapangyarihan, at armado ang Tsina.

Dati nang nagbabala si Senior Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na labag sa Konstitusyon ang ganitong joint exploration sa loob ng tinatawag na exclusive economic zone ng Pilipinas.

Isa pang pinangangambahan ang pagtatayo ng Tsina ng mga istruktura sa Scarborough Shoal tulad ng ginawa nito sa iba pang pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Taong 2012 nang simulang bakuran ng China ang Scarborough Shoal matapos sitahin ng Philippine Navy ang mga ilegal na mangingisda nito.

Ayon sa mga eksperto, tuluyan nang makokontrol ng Beijing ang karagatan sakaling magtayo ito ng mga pasilidad sa Scarborough Shoal.

Pero, ayon kay Cayetano, tiniyak naman daw ng Tsina kay Duterte na hindi sila magtatayo ng pasilidad sa nasabing bahura. -- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.