Paaralan sa may Puerto Princesa Airport, inirereklamo ang ingay ng mga eroplano

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 06:42 PM

Kumakaway ang ilang estudyante sa mga eroplanong dumadaan sa Puerto Princesa Airport.

PUERTO PRINCESA CITY - Inirereklamo ng mga guro at estudyante ng Mateo Jagmis Memorial Elementary School dito ang maingay at mausok na nagmumula sa tambutso ng eroplano sa Puerto Princesa International Airport.

Ayon sa ilang guro, hindi na umano nagkakaintindihan ang mga guro at estudyante kapag nagkaklase dahil sa maingay na tunog ng eroplano kapag dumadaan sa gilid ng paaralan. 

Hindi rin umano mapigilan ng mga estudyante na tumayo at kumaway sa bawat eroplanong dumadaan lalo pa’t kumakaway din ang ilang piloto sa mga bata.

Pero ang problema ng eskwelahan, ang sakit na nakukuha sa mabahong usok ng eroplano. 

Sa tapat mismo ng building ng paaralan ang turning point ng mga eroplano kaya kapag iikot ito, sa eskwelahan ang tungo ng usok. Ilang bata na rin daw ang nagkakasakit.

Ayon sa mga guro, nilagyan na lamang muna nila ng pawid ang bahagi ng school building na natatamaan ng usok. 

Sa ngayon ay nagpulong na umano ang parents-teachers association upang malagyan ng sliding window ang pitong silid aralan na malapit sa airport.

Ayon sa Department of Education ng lungsod, hindi man lang daw naisaalang-alang ang pwesto ng magiging turning point ng paliparan dahil mas nauna naman daw ang eskwelahan rito bago pa ang ginagawang airport expansion.

Bukas din ang DepEd sa posibilidad ng paglipat ng eskwelahan sa ibang lugar. Pero hindi umano ito magiging mabilis dahil may kakailanganing sunding proseso rito.

Nabanggit ni Mayor Lucilo Bayron na posibleng ibigay sa Mateo Jagmis Memorial Elementary School ang apat na palapag na school building na itatayo sa likod ng City Coliseum sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa.

Ayon sa lokal na gobyerno, bukas pa rin ito sa magiging desisyon ng eskwelahan. Pero maglalaan sila ng public consultation para rito at ilalatag ang magiging itsura ng proyekto.

Ayon kay Engr. Gil Pamatmat ng Department of Transportation (DOTr), nagsagawa na sila ng imbestigasyon sa lugar. Ang kanilang rekomendasyon ay lagyan ito ng mataas na bakod. Ngunit isasalang pa sa bidding ang magiging proyekto na tiyak nilang ngayong taon gagawin.

Ayon naman sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), hindi raw saklaw ng ahensya ang pagpapataas ng bakod malapit sa paaralan dahil ito raw ay hawak ng DOTr.

Hindi raw sila maaring gumalaw sa anumang sakop ng paliparan dahil may isang taon pang kontrata ang contractor para maayos kung ano pa ang maaring ayusin. 

Wala rin daw pondo ang CAAP para sa pagpapataas ng bakod. Gayunman, nakipag-ugnayan na rin sila sa DOTr kaugnay ng problema.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.