Mga 'bakwit', binigyan ng pagkakakitaan habang nasa evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 10:54 PM

Binisita ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza ang mga 'bakwit' sa Maria Cristina sa Iligan City para alamin ang mga saloobin nila, lalo na ang kababaihan.

Inilahad ng mga 'bakwit' ang kanilang sitwasyon sa higit dalawang buwang pananatili sa evacuation center. 

Anila, wala namang problema sa mga rasyon ng pagkain, health services at iba pa pero ayaw sana nilang umasa na lang sa mga donasyon.

Kaya hiling nila, mabigyan ng pagkakakitaan at maipagpatuloy ang cash-for-work program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa cash-for-work ng DSWD na tatagal ng 10 araw, maglilinis ang mga 'bakwit' sa paligid ng evacuation center at maaaring kumita ng P200 kada pamilya. 

Matagal na ring inilalaban ng mga 'bakwit' na makauwi na sa Marawi.

Pero kung hindi pa makauwi, bigyan na raw sana sila ng malilipatan na bahay kung saan maaari silang mamuhay nang normal.

Nangako naman si Dureza sa mga 'bakwit' na ipapaabot niya sa kinauukulan ang kanilang mga kahilingan.

Minamadali na umano ang pagtatayo ng 'tent city' para sa mga 'bakwit' na maaari nilang lipatan para ma-decongest ang mga evacuation centers.

Tulong, bumuhos para sa bayang katabi ng Marawi

Dumating na ang tulong para sa Ditsaan Ramain, ang bayan ng Lanao del Sur na nasa likod lang ng Marawi. 

Hindi makalabas ng bayan ang mga residente roon dahil dadaan pa sila sa Marawi kapag nagkataon. Hindi rin tuloy makapasok basta-basta ang tulong sa kanila.

Nasa walong dump truck ng relief goods na mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Humanitarian and Emergency Action Response Team at ARMM regional government ang ibinigay sa bayan.

Kinailangan pang samahan ng mga sundalo at mga tangke ang grupo dahil sa war zone ito idinaan.

Halos 3,000 sako ng relief goods ang ipinamahagi ng provincial government.

Pinaplano na rin ang pamamahagi sa iba pang bayan ng Lanao del Sur na hirap ding makatawid sa Marawi.

Pero ang ibang bakwit, pinili nang huwag nang umasa sa relief goods kaya nagsimula na silang magtanim.

"Sakaling mawala na yung relief goods ibig sabihin may kabuhayan kami para naman sa pang-araw-araw na pangangailangan," ani Fatima Disomangcop, isang 'bakwit'.

Ayaw na rin umano nilang umasa sa tulong ng iba o ng pamahalaan.
 
May mga organisasyong magbibigay ng mga seedling at paunang pondo para maalagaan ang mga tanim.

-- Ulat nina Kori Quintos at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.