Iba't ibang grupo sa Isabela, nanawagang ituloy ang peace talks

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 01:13 AM

ISABELA -- Suot ang puting damit, magkakasamang naglakad ang mga miyembro ng Iglesia Filipina Independiente at ilang progresibong grupo sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela, Lunes ng umaga.

Sa paglahok ng grupo sa isang "Walk for Peace," ipinapanawagan nila ang pagpapanumbalik ng usaping pangkapayapaan ng government peace panel at National Democratic Front.

Ayon kay Father Christopher Ablon, ang labanan umano ang puno’t dulo ng kahirapan.

"Ang peace talks po, ang kanya pong agenda sa ngayon ay ang Comprehensive Agreement for Social and Economic Reforms. Ibig sabihin, sa usapan po ng gobyerno ng Pilipinas at ng NDF, kung ano po iyong dapat gawin, dapat baguhin, dapat ayusin, sa ating ekonomiya at saka mga polisiya ng ating ekonomiya, upang mas ito po ay makatugon doon sa kahirapan," aniya.

Dagdag naman ni Ofelia Cantor ng Philippine Ecumenical Peace Process: "Iyong pagkakaroon na nila ng trabaho, wala nang breakdown ng families kasi wala nang mag-a-abroad. Ang daming trabaho na pupuwedeng i-provide ng government kung talagang seryoso siyang gawin ito."

Nasa ikalimang round na sana ng peace talks nang ipatigil ito ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang sunod-sunod na pag-atake ng mga rebelde sa hanay ng pulisya.

Sa kaniyang ikalawang SONA noong Lunes, muling iginiit ng pangulo na wala nang mangyayaring pag-uusap sa pagitan ng dalawang hanay.

Pero naniniwala pa rin ang grupo na hindi pa lubusang isinasara ni Duterte ang pinto sa peace talks.

"Kami po ay mas cynical pa sa giyera. Dapat po na tayo ay hindi naniniwala sa giyera. Kapag wala ng peace talks, ibig sabihin, giyera na lang ang natira. Giyera na lang talaga lahat. Dapat hindi po tayo maniwala doon. Maniwala po tayo sa peace," ani Ablon.

Nanindigan pa si Bishop Jerry Sagun na ministeryo at misyon na ng Simbahan ang kapayapaan.

“Naniniwala kami na gawain ng taong-simbahan na manawagan para ituloy iyong usaping pangkapayapaan. Naniniwala kami na ang Simbahan ay meron siyang magagawa upang bumalik sa usaping pangkapayapaan," aniya.

Ipinapanawagan din ng grupo ang pagpapalaya kay Bishop Carlo Morales na dinakip umano ng mga pulis sa Ozamiz City noong Mayo. Hindi umano makatarungan na idawit siya sa NPA na kasama umano niya nang siya ay naaresto.

Umaasa ngayon ang grupo na sa munti nilang paraan makakamit ang inaasam nilang kapayapaan.

Nagtapos ang "Walk For Peace" sa isang peace forum.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.