Bakit ibinalik sa serbisyo ni Bato ang mga nadawit sa Espinosa slay?

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 05:30 PM | Updated as of Jul 26 2017 11:14 PM

'Kulang sa tao, sayang ang suweldo'

Ganito ang paliwanag ni Philippine National Police chief Director General Ronald 'Bato' Dela Rosa sa pagdepensa sa kanyang desisyon na pabalikin sa serbisyo si Supt. Marvin Marcos at ang 18 pulis na dawit sa pagkamatay ng alkalde ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa Sr.

Kailangan umanong gamitin ang kakayahan ng mga nasabing pulis, lalo't kulang ang puwersa ng pulisya at pinasusuweldo rin naman sila, ayon kay Dela Rosa sa pagdinig ng Senado sa kaso ngayong Miyerkoles ng umaga. 

"Palaging sinasabi ni Presidente na gamitin mo 'yung mga tao na 'yan. Sayang! We lack people on the ground. Sumusuweldo 'yang mga tao na 'yan," aniya habang tinutukoy ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagpapabalik sa mga pulis sa serbisyo. 

Nilinaw naman ni Dela Rosa na walang anumang impluwensiya ang pangulo sa kaso, at sinabing wala siyang nakikitang mali sa pahayag nito, lalo't talagang kulang sa tauhan ang pulisya ngayon. 

Hindi man normal ang desisyong ito ni Dela Rosa, iginiit niyang legal ang pagpapabalik sa serbisyo sa mga pulis. 

"Not so normal, Your Honor. But ginawa ko," ani Dela Rosa nang tanungin siya ni Sen. Bam Aquino kung bakit ibinalik pa sa serbisyo ang mga pulis imbes na bigyan ng mga trabahong pang-opisina. 

Dagdag pa niya, karapatan din ng mga pulis na sumailalim sa tamang proseso, at hindi niya kailanman hahayaang manaig ang 'culture of impunity' sa pulisya o ang pagpapabaya sa mga krimen nang hindi naparurusahan ang gumawa. 

"Siguro kung na-convict talaga siya sa court at ibinalik natin, mukhang may bad signal. Pero kung ganoon na dumaan siya sa proseso, nakapag-bail bond sila. Nakulong na nga sila," ani Dela Rosa. 

Nakasuhan sina Marcos at 18 kasamahan sa pagpatay kay Espinosa at kapwa detainee na si Raul Yap sa kanilang selda sa Baybay City Sub-provincial Jail noong Nobyembre 5, matapos umanong manlaban sa grupo ni Marcos na nagsisilbi noon ng search warrants. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.