Honor student napatay ng vigilante group sa Manaoag

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2016 09:22 AM | Updated as of Jul 26 2016 10:51 AM

MANILA - Hustisya ang hiling ng mga kaanak ng isang dalagang pinaniniwalaang nadamay lang sa serye ng pagpatay sa mga sangkot sa droga sa Dagupan at Manaoag, Pangasinan noong nakaraang linggo.

Isang honor student at miyembro ng church choir ang biktimang si Rowena Tiamson kaya imposible anilang sangkot ito sa iligal na droga.

Gamit ang hashtag na #JusticeForRowena, maraming social media users ang nanawagan ng katarungan para sa dalagang umano'y biktima ng mistaken identity.

Kinumpirma naman ng Philippine National Police (PNP) na wala sa drug watchlist si Tiamson.

Wala pang matukoy ang PNP na responsable sa pagpatay sa dalagang magtatapos na sana ng kursong Mass Communication sa Oktubre.

Nilinaw din ng pulisya na hindi nila kinukunsinte ang mga kaso ng summary execution.

Anim na pagpatay na may kinalaman sa droga ang naitala sa Pangasinan nitong nakaraang linggo. Ilan sa mga ito ay inako ng mga grupong nagpakilala na Dagupan at Pangasinan Death Squad. -- Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.