Sagupaan ng NPA at militar sa Laguna, umabot sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 09:04 AM | Updated as of Jul 25 2017 08:17 PM

MANILA (2nd UPDATE)- Umabot sa lalawigan ng Quezon Martes ang bakbakan ng militar at New People's Army (NPA) na nagsimula sa katabing probinsya ng Laguna. 

Ayon sa isang DZMM report, nagsimula ang sagupaan sa Barangay San Pedro, Luisiana sa Laguna, alas-6 ng umaga. 

Nagtagal umano nang humigit kumulang 10 minuto ang palitan ng putok laban sa nasa 10 miyembro ng armadong grupo.

Ayon sa awtoridad, resulta ito ng pagdepensa ng militar sa planong pagsabotahe umano ng mga miyembro ng NPA sa ilang development projects na isinasagawa sa lugar.

Pasado alas-8 ng umaga, nakaabot na ang kaguluhan sa Barangay Nalunao, Lucban sa Quezon, kung saan patuloy na umaatras ang mga rebelde.

Wala namang naitalang sugatan sa hanay ng militar habang hindi pa makumpirma ng mga awtoridad kung may nasugatan sa mga rebelde.

Naglatag ang Quezon Public Safety Company ng mga checkpoints sa mga lugar na posibleng atrasan ng mga rebelde. 

Tiniyak naman ni Laguna police chief Senior Supt. Cecilio Ison na iniikutan na nila ang mga clinic at ospital sa Laguna na maaaring pagdalhan ng mga sugatang rebelde. 

Ito'y matapos na ring sabihin ni 202nd Brigade Commander Col. Arnulfo Burgos na may mga bahid daw ng dugo sa dinaanan ng mga rebelde. 

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng militar laban sa armadong grupo na naghiwa-hiwalay umano matapos ang engkwentro.

Nitong Lunes lang, nagpanagpo rin ang NPA at militar sa bayan ng Mauban, Quezon, dahilan para masawi ang isang sundalo at hindi pa malamang bilang ng mga rebelde. 

Una nang nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagtalikod sa peace talks sa pagitan ng mga komunista at gobyerno dahil sa serye ng mga pag-atake ng NPA. 

Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi pa pormal na kinakansela ng pamahalaan ang negosasyon sa kabila ng mga pahayag ni Duterte. -- Ulat nina Noel Alamar at Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.