Panukalang tax reform, hirap pa ring palusutin sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 09:09 PM | Updated as of Jul 25 2017 09:40 PM

Hirap pa ring palusutin sa Senado ang tax reform package sa disenyong gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tila natigilan ang mga senador nang komprontahin sila ni Pangulong Duterte sa gitna ng kanyang State of the Nation Address.

“I call on the Senate so support my tax reform in full and to pass it with haste... They are not clapping. Si [Sen. Sonny] Angara, ayaw ring mag-clap. Bantay ka lang sa eleksiyon, tingnan mo,” ani Duterte sa kanyang SONA nitong Lunes. 

Nakatengga pa rin kasi ngayon sa Senado ang panukalang batas para amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997.

Kabilang sa isinusulong na amyenda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na una nang ipinasa ng Kamara ang pagbababa sa income tax pero dagdag-buwis sa petrolyo, sasakyan, mga inuming may nakahalong asukal, at pagtanggal ng value added tax exemption sa mga murang pabahay.

Hindi pa rin nakalulusot ang TRAIN Bill sa Senate Committee on Ways and Means na hawak ni Angara na binalaan ng Pangulo nitong Lunes na baka manganib ang reelection bid sa 2019.

Giit naman ni Angara, hindi niya puwedeng basta na lang palusutin sa kanyang komite ang TRAIN Bill dahil sa mga nakikita niyang magiging tama nito sa maraming Pilipino.

Kabilang sa hinihimay niya ang dagdag-buwis sa produktong petrolyo, mga inuming ginagamitan ng asukal, at murang pabahay.

Hindi rin maipangako ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang gustong mangyari ng Pangulo na wala silang babaguhin sa ipinasa ng Kamara. 

Nagpasabi na rin si Senate Minority Leader Franklin Drilon na malabo nilang mapagbigyan ang Pangulo.

"We will examine it closely and with particular reference to excise tax on fuel because this has the greatest inflationary tendency," ani Drilon. 

Suportado naman ni Senador Panfilo Lacson ang TRAIN Bill na isinusulong ng Duterte administration pero ang tanong niya ay kung kailangan ba ng bagong batas sa pagbubuwis, gayong nasa P422 billion na ang nasisilip niyang hindi naman nagagastos na pondo o "unspent budget" ng administrasyon.

Nakikiusap naman si Senator Aquilino "Koko" Pimentel III sa mga kapwa-senador na buksan ang isip at iwan ang personal na interes sa isyu ng panukala sa buwis.

"All should be open to compromise. Senators should also be sensitive to the sentiments of "the people." But not all organized groups represent the people. Some represent their own selfish interests… No one has monopoly of knowing the real sentiments of the people," pahayag ni Pimentel.

Bukas idadaos ang ika-11 hearing para sa TRAIN Bill sa Senado. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.