Pagpapabuwag sa CHR, sinegundahan ng PNP, Defense chief

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 09:22 PM

Pabor ang hepe ng Philippine National Police (PNP) at ang kalihim ng Department of National Defense na buwagin ang Commission on Human Rights (CHR) gaya ng gustong mangyari ni Pangulong Duterte.

Diretsahang sinabi ni Duterte sa kaniyang press conference matapos ang State of the Nation Address nitong Lunes, Hulyo 24, na gusto niyang mawala na ang CHR. 

Hindi rin daw niya papayagang basta-basta humarap sa imbestigasyon ng CHR ang mga pulis at mga sundalong naaakusan ng paglabag sa karapatang pantao.

Sabi ni PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa, puwedeng siya na lang ang mag-'check and balance' sa kaniyang mga tauhan.

Giit naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, masyado nang istrikto ang umiiral na justice system sa militar na nagdidisiplina sa mga kawal ng bayan.

Pero nanindigan ang CHR na nagmumula sa Saligang Batas ang kanilang kapangyarihan bilang isang institusyon na nag-iimbestiga sa mga posibleng pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno.

Hindi rin anila mapipigilan ang pagsisiyasat nila sa umano'y extrajudicial killings na ikinokonekta sa kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan.

Ayon sa CHR, simula Mayo 2016 hanggang Marso 2017, 516 na kaso ng umano'y extrajudicial killings na ang kanilang hinahawakan. Mula sa police operations ang 276 na kaso habang 240 naman ang vigilante killings. Ang kabuuang biktima ay 646.

Samantala, sinabi rin ni Duterte na siya ang magdedesisyon kung sisipot ang mga pulis at sundalo sa mga pagdinig ng Office of the Ombudsman.

Wala pang pahayag ang Ombudsman kaugnay nito.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.