Imee Marcos, sumipot sa Kamara; 'Ilocos 6', pinauwi na

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 09:00 PM | Updated as of Jul 26 2017 01:04 AM

Pinauwi na ng Kamara ang 'Ilocos 6', ang anim na empleyado ng Ilocos Norte provincial government na nadawit sa umano'y hindi tamang paggamit ng tobacco excise tax at ipina-contempt ng mga mambabatas dahil sa hindi pagsagot sa kanilang mga tanong.

Nag-iyakan ang mga empleyado nang alisin na ang contempt order sa kanila na nagresulta sa dalawang buwan nilang pagkakakulong sa House of Representatives.

Ang 'Ilocos 6' ay kinabibilangan nina Pedro Agcaoili, Evangeline Tabulog, Josephine Calajate, Eden Battulayan, Genedine Jambaro, at Encarnacion Gaor. 

Niyakap sila ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na muntik na ring ipa-contempt at ipakulong ng Kamara kung hindi pa ito dumalo sa pagdinig ngayong araw. 

Kasama ni Marcos ang mga anak, at sumunod naman ang ina niya na dating Unang Ginang at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos. 

Iniimbestigahan ng Kamara ang umano'y hindi tamang paggamit ng Ilocos Norte provincial government sa P66.4 milyon na excise tax mula sa tabako. Ginamit umano itong pambili ng mga multicab at mini-truck, kahit dapat ay sa kooperatiba, kabuhayan, agro-industrial, at infrastructure projects lang para sa mga magsasaka puwedeng gamitin ang ilang porsyento ng kita mula sa buwis.

'Walang katiwalian' 

Itinanggi naman ng gobernadora na may katiwaliang nangyari sa kanilang pagbili, ngunit sinabi ring hindi niya maalala ang lahat ng nangyari dahil umasa lang siya sa trabaho ng kanyang staff. 

Inamin din niyang direct contracting at hindi dumaan sa bidding ang pagbili sa mini-trucks. 

"'Yong three transaction[s] ito. Two transaction[s], walang bidding. We had to resort to direct contracting upon the recommendation of my BAC. Di ko sinasabi lahat dumaan ng bidding. Two transaction[s], direct contracting. 'Yong ikatlo, buses 'yon talaga, [nag-bid] talaga. Ako, umaasa lang ako sa kagalingan ng staff work. Kung may detalye na nagkamali, di ako nag-uungkat," ayon kay Marcos. 

Giniit din niyang wala silang natanggap na audit observation memo na sumisita sa cash advances nila. Hindi umano niya ito napirmahan. Ayon kay Marcos, posibleng may mga di siya napansin sa mga transaksiyon dahil nagmamadali sila.

"Noong panahon na 'yon, wala akong napapansin. Baka nakaligtaan at nagmamadali ma-release. Nagmamadali talaga kami sa gabundok na pinirpmahan, mga detalye di ko na napansin," aniya.

Binawi na rin ni Marcos ang bintang na may alok umano ang Liberal Party na P100 milyon para ikulong ng Kamara ang gobernadora. 

"On my mere suspicion, I withdraw the accusation that P100 million circulated. Di po totoo 'yon. Ako'y nagpapaumanhin." 

Dokumento kinumpirma

Kinumpirma naman ng 'Ilocos 6' sa pagdinig ang mga dokumentong kaugnay ng pagbili ng mga sasakyan.

"Noong una po kasi, nawawala ang dokumento. Kinonfirm ng COA kaya ngayon inamin na namin," ayon kay Agcaoili na provincial engineer ng probinsiya.

Ipinresinta naman ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas ang retrato ng bahay na may swimming pool, resort, at mini-grocery ni Genedine Jambaro, isa sa 'Ilocos 6' at cashier ng Ilocos Norte provincial government. 

Sabi ni Jambaro, pag-aari ito ng kanyang pamilya, at sa kanya lamang nakapangalan. 

Pero dahil sa mga pag-aaring ito ni Jambaro, nais siyang ipa-lifestyle check ng mga kapitbahay, ayon kay Fariñas.

Hindi pa tapos

Ayon naman sa House Committee on Good Governance, hindi pa tapos ang isyu dahil may susunod pang pagdinig. Posible rin umanong dumalo si Marcos kung kakailanganin daw siya sa pagdinig na ito na tinatayang gaganapin sa Agosto 9.

Binigyan naman ng Korte Suprema ng 10 araw si Fariñas para sagutin ang inihaing petisyon ng 'Ilocos 6' tungkol sa pagdetine sa kanila ng Kamara. Inilabas ng Korte ang desisyon bago pa itaas ng Kamara ang contempt order at payagang umuwi ang Ilocos 6.

-- Ulat nina Zen Hernandez at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.