Bilang ng nasawing sundalo sa Marawi, umakyat na sa 109

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 06:47 PM

Pumalo na sa 109 ang bilang ng mga nasawing sundalo sa mahigit dalawang buwang sagupaan ng militar at Maute group sa Marawi. 

Sugatan ang mahigit 900 iba pa mula sa hanay ng gobyerno.

Ayon sa Joint Task Force Marawi, pangunahing nakakadale sa tropa ng gobyerno ang mga iniwang improvised explosive device (IED) ng mga terorista.

Karaniwan pang pinagmumukhang gamit sa bahay ang IED kaya hindi agad nadidiskubre ang mga pasabog.

Madalas din umanong pasasabugin ito habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga sundalo sa mga naiwang bahay sa Marawi.

Pero ano pa mang klaseng pasabog ang iwan ng Maute, tuloy ang operasyon ng mga sundalo. Nakakalat pa rin ang mga sniper sa iba-ibang posisyon para sipatin at paputukan ang mga terorista.

Aminado ang ilang sniper ng militar, llamado ang kanilang kalaban dahil mas gamay ng mga terorista ang lugar na kanilang ginagalawan. 

Sa mga naunang kuha ng News team nitong mga nagdaang linggo, nakita kung paano nakikipagtaguan sa militar ang Maute fighters, tuwing pauulanan sila ng bala o pasasabugan ng tangke. 

Gayumpaman, pursigido ang mga tropa sa war zone na matunton ang mga nalalabing lugar na pinagkukutaan ng mga terorista. 

Kasabay nito, sinasagip at inaalalayan rin nila ang mga kapwa sundalo na nasugatan sa pakikipaglaban para mabawi ang Marawi.

Humuhugot din ng inspirasyon sa kanilang misyon ang mga sundalo sa mga panandaliang pagkakataong nakakausap nila sa telepono ang mga mahal sa buhay.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.