1 patay, 4 sugatan sa karambola ng 18 sasakyan sa C-5 Ortigas

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 11:12 AM | Updated as of Jul 26 2017 01:34 AM

MAYNILA (UPDATE 2) - Isa ang patay habang hindi bababa sa 4 ang sugatan nang magkarambola ang 17 sasakyan sa ibabaw ng C5 Ortigas Flyover, Martes, pasado alas-10:00 ng umaga. 

Ayon sa Pasig City police, sakay ng motorsiklong napitpit sa ilalim ng trak ang namatay sa aksidente. Sa The Medical City na binawian ng buhay ang motoristang hindi pa nakikilala. 

Isa naman sa apat na sugatan ay isinugod rin sa ospital at kasalukuyang ginagamot, habang ang iba pa ay nilapatan lang ng paunang lunas.

Sa larawang ibinahagi ni Tata Pedrosa-Albert, makikita na sangkot sa insidente ang isang 10-wheeler truck, 3 closed van, 2 motorsiklo at 12 kotse, kabilang ang isang taxi.

Sa mga larawan naman mula kay Anjo Radasa, makikita ang isang taxi na pumailalim ang nguso sa sinusundang trak. 

Sa mga larawan naman na kuha ni Emmel Torres, makikitang napailalim sa trak ang isang motorsiklo.
 

Photo courtesy: Anjo Radasa
Photo courtesy: Anjo Radasa
Photo courtesy: Anjo Radasa
Photo courtesy: Anjo Radasa
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres
Photo courtesy: Emmel Torres

Aminado naman ang drayber ng 10-wheeler truck na siya ang nagdulot ng aksidente. Galing aniya siya ng Pasig at papuntang Quezon City nang mawalan ng preno ang trak.

"Medyo, ano, palusong na... Medyo alalay ako sa preno. Siyempre aapak akong preno, alalay, bigla akong nawalan ng preno. Ayun po ang nangyari," aniya.

Bandang alas-1:05 ng hapon nang maialis ng MMDA ang mga nagkarambolang sasakyan sa C-5 Ortigas Flyover. 

Photo by TJ Manotoc, ABS-CBN News

Sa kabila nito, nananatiling mabigat ang trapiko sa naturang lugar.--May ulat ni Henry Atuelan, DZMM