NPA, militar muling nagbakbakan sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 07:19 PM

PALAWAN - Muling nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga rebeldeng New People's Army (NPA) sa bayan ng Bataraza, Linggo ng umaga. 

Ayon sa Western Command, naganap ang sagupaan sa kabundukan sakop ng Barangay Malihud. Naaktuhan umano ng mga sundalo ang mga rebelde na patakas na mula sa lugar. 

"What we believe is that nagre-replenish sila, nagre-resupply sila, foraging sila doon," ani Captain Cherryl Tindog, Public Affairs Officer ng Western Command.

Bagama't nagkapalitan ng putok, wala namang naitalang nasugatan sa magkabilang kampo. Nakatakas naman ang mga rebelde at patuloy na hinahabol ng militar. 

Una nang may nakasagupang mga rebelde ang militar sa Sitio Ilyan ng parehong barangay nitong Biyernes, may isang kilometro lang mula sa naganap na engkuwentro ngayong Linggo. 

Sa patuloy na operasyon ng militar, nadiskubre pa ng militar ang isang kampo ng mga armadong grupo. Nakita dito ang isang tower post at mga kubo.

Sa kabuuan 21 kubo ang natagpuan sa lugar. Ilang dokumento rin ng armadong grupo ang nakuha, mga paraphernalia at ilang gamit para sa paggawa ng improvised explosive device.

Ilan sa mga dinatnan at narekober ng militar sa kampo ng NPA sa Bataraza, Palawan.

Diana Lat, ABS-CBN News

Posibleng Bienvenido Vallever Command, ang grupong umako sa pagpatay sa dalawang Marines sa bayan ng Roxas noong Hulyo, ang nagkakampo sa mga nakubkob nilang base.

Nagpapasalamat ang militar dahil malaki umano ang naitulong ng komunidad sa pagbigay ng impormasyon kung saan nagtatago ang grupong kanilang patuloy na hinahabol.