5 patay sa salpukan ng bus, van sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 02:00 PM | Updated as of Jul 23 2017 03:54 PM

TARLAC - (UPDATED) Lima ang patay matapos magbanggaan ang isang bus at van sa Barangay Aguso, Tarlac City sa lalawigang ito, Linggo.

Pasado alas-4 ng madaling-araw nang sumalpok ang bus sa gilid ng kasalubong na van, ayon kay Supt. Bayani Razalan, hepe ng Tarlac City police.

Sa video na kuha ni Christian Belicano Palafox, makikitang nagkayupi-yupi ang unahing bahagi ng van dahil sa lakas ng salpukan.

Pawang mga pasahero ng van ang 5 na nasawi. Nasugatan din ang 8 kasamahan nila.

Galing sa isang libing ang mga pashero ng van at pauwi na sana sa La Union samantalang pa-Cubao, Quezon City naman ang bus.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng bus na sasampahan ng reckless imprudence resulting in homicide.

Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang posibilidad na pagod at nakaidlip ang driver ng van at kung mabilis ang takbo nito tulad ng giit ng bus driver. -- Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.