Sesyon ng Kongreso tungkol sa martial law extension, nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 10:03 AM

Nagsimula na Sabado ng umaga ang joint session ng mga kongresista at senador upang desisyunan ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin hanggang sa katapusan ng taon ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao. Mark Demayo, ABS-CBN News

Nagsimula na ngayong Sabado, Hulyo 22, ang joint session ng Kongreso para sa hiling ni Pangulong Duterte na palawigin ang batas militar sa Mindanao.

Mamayang alas-10 ng gabi, mapapaso ang 60 araw na martial law na idineklara ni Pangulong Duterte noong Mayo 23 habang nasa official visit sa Russia.

Isinailalim ang buong Mindanao sa batas militar at sinuspende rin ang pribileheyo ng 'writ of habeas corpus' kasunod ng pag-atake ng teroristang Maute group sa Marawi City.

Kabilang sa mga sinasabing namuno sa paglusob si Isnilon Hapilon, na itinuturing umanong lider ng Islamic State sa Timog Silangang Asya.

Matapos ang dalawang buwang bakbakan, hindi pa rin tuluyang nasusupil ang mga terorista sa Marawi.

Nitong Miyerkoles, Hulyo 19, nagkaroon na ng security briefing sa mga senador sina Defense Secretary at martial law administrator Delfin Lorenzana; Armed Forces Chief of Staff at martial law implementor General Eduardo Año at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.

Limang oras tumagal ang briefing pero nabigo ang mga opisyal panseguridad na makakuha ng suporta mula sa mga senador para sa hinihiling ng Pangulong Duterte na pagpapalawig ng batas militar hanggang katapusan ng 2017.

May ilang senador na pabor sa martial law extension pero hindi raw dapat tumagal ng limang buwan ang pagpapalawig ito. 

Mangyaring i-refresh ang pahinang ito para sa updates.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.