Erap, gobyerno ng Maynila, binatikos sa 'publicity' ng Manila Bay cleanup drive

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 08:14 PM

Nagparetrato si Manila Mayor Joseph Estrada sa cleanup drive ng Manila Bay. Mula sa Facebook page ni Joseph Estrada

Hindi napigilan ng mga taong maghimutok sa social media matapos mapanood ang video ng cleanup drive sa Manila Bay na lumalabas na "publicity stunt" ng lokal na pamahalaan ng Maynila. 

Binatikos ng netizens ang gobyerno ng Maynila pati na rin ang alkalde nitong si Joseph Estrada nang mapanood sa video na nagtapon muna ng basura sa dagat ang isang kasamahang babae upang muling pulutin ni Estrada at mga opisyal para sa isang retrato o photo opportunity.

Nang tanungin ng reporter kung biro ba ang ginawang pagtapon, ang sagot ng babae: "Cleanup po iyan. Pupulutin po ulit para lang may photo."

Maraming netizens ang hindi natuwa sa ginawang ito ng pamahalaan ng Maynila, at sinabing peke at pakitang-tao ang pagsasagawa ng cleanup drive. 

Nang tanungin si Estrada kung alam niyang magtatapon muna ng basura para sa retrato, hindi ito tahasang sinagot ni Estrada. 

"For publicity only, but we are serious in cleaning Manila Bay," ani Estrada. 

Dahil dito, naging trending ang Manila Bay sa Twitter. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.