8 kabataan arestado matapos umano manggulo sa joint session ng Kongreso

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2017 07:38 PM

Arestado ang walong kabataan matapos manggulo sa loob ng House of Representatives habang isinasagawa nitong Sabado ang joint session hinggil sa extension ng martial law.

In-escort palabas ng session hall sina Almira Abril, Chad Errol Booc, Kenneth Cadiang, Yasser Gutierrez, Renz Pasigpasigan, John Paul Rosos, Vinzhill Siman at Michael Joselo Villanueva na pawang mga miyembro ng iba't-ibang organisasyon.

Ayon kay Maria Sol Taule, abogado ng walong nagprotesta, sumigaw sila ng mga katagang "never again" at "no to martial law" sa kasagsagan ng joint session kaya ipinaaresto sila at ikinulong ngayon sa Camp Karingal.

Nanawagan si Taule sa Kongreso na hindi dapat ituloy ang kaso sa mga nagprotesta dahil ipinairal lamang nila umano ang freedom of expression at inimbita sila sa naturang pagdinig.

Ayon sa pulisya, kahit imbitado pa sila, posible silang makasuhan dahil sa pagsuway sa umiiral na batas pagdating sa mga pagdinig sa Kongreso.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 144, o Disturbance of Proceedings, ang walo. 

Nangangamba si Taule na hindi makapag-piyansa ang mga kabataan dahil weekend at holiday sa Lunes dahil sa State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.

Plano namang magsagawa ng protesta ang kanilang mga kasamahan sa harapan ng Camp Karingal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.