19, arestado sa operasyon kontra iligal na droga sa Taguig

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 07:48 AM

MANILA - Arestado ang 19 na drug suspect sa ikinasang "One Time, Big Time" operation ng pulisya sa Taguig City.

Ayon kay Supt. Clarence Gomeyac, tagapagsalita ng Taguig City Police, ilan sa mga nahuli ay naaktuhang nagpa-pot session, habang ang iba pa ay itinuro ng mga kapitbahay.

Ilan sa mga naunang dinala sa police headquarters ay sina Erwin Espiritu, 39; Roderick Amante, 36; Eric Lacanilao alyas Borex, 48; Aryan Amistoso, 27 at Jerrald Santos, 22.

Ayon kay Gomeyac, si Lacanilao ay kilalang tulak ng droga sa Brgy. New Lower Bicutan.

Hindi naman itinanggi ni Lacanilao na pagtutulak lang ng droga ang kanyang pangkabuhayan. Gumagamit din daw siya paminsan-minsan.

Nakumpiska pa kay Lacanilao ang isang pulang paper bag na may lamang mga drug paraphernalia.

Bukod sa mga drug suspect, may dalawa pang dinala sa police headquarters dahil sa paglalaro ng cara y cruz, habang 125 naman ang nalambat dahil sa paglabag sa mga ordinansa.

Ikinasa ang naturang operasyon upang matiyak ang kaayusan sa lungsod sa SONA sa Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.