PANOORIN: Pagsagip ng mga sundalo sa kanilang kabaro sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 08:40 PM

Bukod sa pakikipaglaban sa mga terorista, ang pagsagip sa mga sugatang kasamahan ang isa pang panganib na sinusuong ng mga sundalo sa Marawi City. 

Sa video na bigay ng militar, kita ang hirap na kailangan pagdaanan ng mga sundalo mailigtas lang ang kanilang kasamahan. 

Para sa mga sundalo, hindi pa man natatapos ang bakbakan, sapat na ang pagkakaligtas ng kasamahan para mapanatiling mataas ang kanilang morale. 

Posibleng harapin naman ng mga awtoridad sa susunod na linggo ang hamon ng pagmamartsa ng mga 'bakwit' na balak bumalik sa kanilang mga bahay sa Marawi sa susunod na linggo sa araw ng State of the Nation Address ng Pangulo. 

Ilang residente ang pumuslit pabalik ng lungsod, at nagulat sa nadatnang lagay ng kanilang mga bahay sa nasabing lungsod. 

Hindi alintana ng mga 'bakwit' na nais nang bumalik sa lungsod ang peligro sa muling pag-akyat sa Marawi, lalo pa't tumataas na rin ang bilang ng mga insidente ng ligaw na bala sa itinuturing na 'safe zone'. 

"Kung oras mo nang mamatay, mamatay ka talaga kahit saan ka nakatayo. Kung natutulog ka man, kung oras mo na, oras mo na," ayon sa 'bakwit' na si Nasroden Dibaratun. 

Pumuslit naman ang pamilya ni Galiah Basher papasok ng Marawi upang makitang muli ang kanilang bahay. Ikinagitla nila ang kanilang nadatnan sa unang pagkakataon mula nang lisanin ang lungsod. 

Nagkalat ang kanilang mga gamit sa mga kuwarto. Sa pintuan nakasulat ang katagang 'I love ISIS Maute'.

Doble dagok ito sa kanilang pamilya, lalo't isa ang ama ni Basher sa mga namatay sa loob ng war zone. 

"Ang sakit kasi hindi namin in-expect na ganito 'yong mangyayari sa bayan namin. Bukod sa nawala 'yong papa ko, ganito pa 'yong madaratnan namin," hinagpis ni Basher. 

Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, naiintindihan nila kung bakit nagpupumili ang mga 'bakwit' na bumalik na ng Marawi, pero ayaw din nilang mapahamak ang mga ito. 

"Hindi na nila kaya 'yong init sa mga evacuation centers that's why they really want to go back. Ang target natin, walang mangyari na untoward incident. Accountability natin sila," ayon sa tagapagsalita ng komite na si Zia Alonto Adiong. 

Tinitiyak naman ng militar na gagawin nila ang makakaya upang protektahan ang mga residente. 

"We are very much informed of their plans. The military sector is committed to protect the populace," ayon sa tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi na si Lt. Col. Jo-ar Herrera. 

Dalawang buwan nang nagpapatuloy ang bakbakan sa loob ng Marawi, at sa loob ng panahong iyon, nasa 69 na ang sundalong namatay, at 45 na sibilyan ang nakitil ang buhay. 

Sa ngayon, wala pa ring deadline kung kailan tuluyang mababawi ang Marawi. 

-- Ulat nina Jeff Canoy at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.