Opisyal ng bangko dawit sa tangkang pagnanakaw

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 07:27 PM

Sinusuri ng mga awtoridad ang tangkang pagnanakaw sa Metrobank, ang pangalawang pinakamalaking bangko sa bansa, na gawa ng isa sa senior officials nito. 

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bank executive ng Metrobank dahil sa tangkang pagnanakaw ng pera mula sa kuwestiyonableng utang na umabot sa hanggang P2 bilyon. 

Nagsagawa ng isang entrapment operation ang NBI nitong Martes matapos humingi ng tulong ang Metrobank. 

Naaresto ang suspek na si Maria Victoria Lopez, ang Head of Corporate Services ng Metrobank, dahil tinangka umano niyang ilihis ang interes na nasa halagang P2.25 milyon sa pamamagitan ng pag-iisyu ng manager's check sa account ng isang individual payee. 

"That itself is a red flag because the bank cannot issue a manager's check to an individual payer, rather, supposed to be to corporate clients only. There were irregularities in document itself indicating falsification, such as different forms, dubious signatures, etcetera," ayon sa NBI agent na si Norman Aguirre. 

Ang higit P2 milyon ay interes ng utang ng isang malaking kliyente na may credit line na P25 bilyon. 

Ang kompanyang ito ay ang Universal Robina Corporation. Dalawang loans o utang ang pinalabas ni Lopez. Ang una ay nagkakahalaga ng P900 milyon, at ang panagalawa ay P850 milyo. 

Bilang opisyal ng bangko, may kakayahan si Lopez na desisyunan at diskartehan ang credit line na ito para sa mga 'corporate clients'.

Ngunit sa imbestigasyon ng bangko, itinanggi ng mismong kliyente na umutang ito ng ganoong halaga. 

"After that, the bank conducted an internal inquiry and confirmed with the client if the client has a loan with the bank, or if he had draw downs against the credit line. It was discovered that such loans are unloaned to the client," ani Aguirre. 

Sinampahan ng Metrobank ng kasong qualified theft, falsification, and violation of banking law si Lopez. 

Patuloy naman ang imbestigasyon ng NBI para malaman kung may kasabwat pa si Lopez. 

Tiniyak naman ng Metrobank na walang kliyenteng maaapektuhan sa insidente at magpapatuloy pa rin sila sa kanilang operasyon. 

"No customer has been affected in this incident. In the context of the bank's P1.9 trillion financial resources, rest assured that we continue to operate business as usual," pahayag ng Metrobank. 

Maging ang Universal Robina Corporation, ang malaking kliyente na nagamit ang credit account sa umano'y tangkang pagnanakaw, ay nagpahayag ng patuloy na tiwala sa Metrobank.

Tiniyak din nitong hindi nagalaw ang pera nito sa bangko. 

"Even as Metrobank continues to conduct an internal investigation on the matter, we would like to assure everyone that URC will not incur any financial loss whatsoever and that the integrity and security of URC and its active accounts at Metrobank remain unaffected by the said incident. We thank Metrobank President Fabian Dee for giving us heads up advice on this unfortunate development and his assurance that URC will not be financially impacted in any way by this incident," ayon sa pahayag ng URC. 

Iniimbestigahan na rin ng Bangko Sentral ang insidente. 

Tiniyak naman ng Bankers' Association of the Philippines sa publiko na may sistema ang bangko para mahuli ang mga ganitong krimen.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.