Duterte, tumanggi nang makipag-usap sa mga komunista

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2017 01:30 PM | Updated as of Jul 21 2017 09:56 PM

Hindi na itutuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA), matapos ang sunod-sunod na mga pag-atake sa puwersa ng gobyerno. 

Sa pakikipag-usap ng Pangulo sa mga sundalo at pulis sa Camp Ranao sa Marawi City nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na hindi na siya makikipag-usap sa liderato ng New People's Army dahil marami na ang mga sundalo't pulis na nalalagas dahil sa pag-atake ng NPA. 

"Marami silang utang sa atin. Ayoko nang makipag-usap sa kanila, marami na akong pulis na pinatay nila. Marami na akong sundalong pinatay nila," ani Duterte. 

Suportado naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang desisyon ng Pangulo. Kinukuwestiyon din niya ang sinseridad ng mga komunistang rebelde, lalo pa't umaatake sila sa panahon ng kaguluhan sa Marawi. 

"We are all for peace. Sino ba ang ayaw maging mapayapa ang ating bansa? But we can only talk about peace when both sides mean what they say. Tiwala ako sa integridad at katapatan ng ating government peace panel. Alam kong ginagawa nila ang sa tingin nila ay nararapat para sa bayan, alinsunod sa batas at adhikain ng ating Pangulo. I, however, question the sincerity, integrity, and motives of the other side," ayon kay Lorenzana.

Kapag natapos na ang bakbakan sa Marawi City, isusunod naman ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang operasyon sa NPA, ayon sa Pangulo. 

"There is a strong resurgence, nabubuhay na naman ang NPA. 'Pag naubos na ang mga ul*l d'yan (terorista sa Marawi), mag-reorient tayo, NPA naman."

Nauna nang kinansela ng gobyerno ang nakatakda sanang impormal na pag-uusap sa CPP, matapos umatake ang NPA sa mga tropa ng gobyerno sa iba't ibang probinsya. 

Noong Miyekoles, isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang patay, at limang kasapi ng Presidential Security Group(PSG) ang sugatan matapos tambangan ng NPA. 

Patay naman ang 2 miyembro ng Philippine Marines habang sugatan ang isa pa nilang kasama sa magkahiwalay na karahasang iniuugnay din sa NPA sa Palawan. 

-- May ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.