Radio broadcaster, tinambangan sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2018 06:47 AM | Updated as of Jul 20 2018 04:22 PM

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News


ALBAY - (UPDATE) Patay ang isang radio broadcaster matapos tambangan sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Peñafrancia, Daraga, Albay Biyernes ng madaling-araw.

Papalabas mula sa garahe sakay ng kaniyang sasakyan si Joey Llana nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin, ayon sa pulisya.

Nangyari ang pananambang 4:45 ng madaling-araw habang papasok ang biktima sa kaniyang trabaho sa DWZR Zoom Radio.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kuwento ng kapatid ni Llana, nakatanggap na umano ng maraming banta sa buhay ang biktima.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, 14 beses binaril si Llana gamit ang .45 caliber at 9mm pistol. 

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya ni Llana.

"Buong puso po tayong nakikiramay sa pamilyang naulila ng kasama natin sa broadcast na si Joey Llana ng Albay na tinambangan habang patungong trabaho kaninang madaling araw," ani Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

"Kinokondina po natin ang karahasang ito dahil isang malinaw na naman ng paglabag ito sa karapatan ng malayang pamamahayag," dagdag pa niya.

Kung mapapatunayang pinatay si Llana dahil sa kanyang trabaho, siya na ang ika-12 mamamahayag na pinatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte. 

- ulat ni Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.