Bayan sa Palawan, humingi ng tulong sa pagsupil sa illegal fishing

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 11:26 AM

Humingi na ng tulong mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at maging sa mga non-government organizations ang lokal na pamahalaan ng Aborlan sa Palawan upang masugpo na ang problema sa ilegal na pangingisda doon.

Nitong Miyerkoles, humingi na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa Philippine National Police Maritime Group, Philippine Marines, Philippine Coast Guard, PNP Aborlan, Department of Interior and Local Government at Environmental Legal Assistance Center (ELAC) kaugnay sa pagpapatupad ng batas pangkaragatan.

Hitik sa yamang dagat ang Aborlan. Matatagpuan dito ang mahigit 200 uri ng isda, higit 20 mangrove species at nasa 60 seaweeds at seagrass species. Sakop rin nito ang 7 line reefs na mas malaki pa raw sa Tubbataha Reef kaya naman daw marami ang naaakit dumayo rito.

Unang inilatag na solusyon ay ang paglilinis ng hanay ng Bantay Dagat dahil sa kawalan nito ng integridad.

Ito ay matapos na lumabas sa imbestigasyon ng Sangguniang Bayan na ilang Bantay Dagat mismo ang nagtitimbre sa mga iligalista kapag magsasagawa ng operasyon.

"Mga taga-Bantay Dagat ang nagte-text sa mga nag-iiligal," pahayag ni Councilor Jun Ortega.

Suhestiyon rin ng ELAC, i-institutionalize ang Bantay Dagat. Kasalukuyang mga job order lang kasi ang mga ito kaya madaling masuhulan.

Ayon naman sa DILG, mainam na pondohan ng LGU ang law enforcement para hindi napapag-iwanan pagdating sa mga kagamitan at sasakyang pandagat.

Bubuo rin ng isang composite team para mapalakas ang pagbabantay sa kanilang municipal water. Nangako naman ang iba't ibang ahensya na tutulong sa LGU.

Magkakaroon ng memorandum of agreement at memorandum of understanding sa pagitan ng mga ahensiya kaugnay sa bubuoing composite team.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.