2 taxi nagsalpukan sa Maynila, pasahero sugatan

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 08:10 AM | Updated as of Jul 20 2017 08:13 AM

Sugatan ang isang Korean national matapos magsalpukan ang 2 taxi sa kanto ng Roxas Boulevard at Quirino Avenue sa Maynila.

Kwento ng taxi drayber na si Eduardo Papa, binabaybay niya ang lane ng Roxas Boulevard at pagdating sa intersection ay biglang sumulpot ang isa pang taxi na minamaneho ni Jonnivie Amarante.

Ayon naman kay Amarante, kakaliwa siya sa kanto ng Roxas Boulevard, ngunit hindi na napansin na nakapula ang stoplight dahil sa antok.

Sa bilis ng takbo ni Amarante ay hindi na nakaiwas si Papa, kaya't nagsalpukan ang mga ito.

Sakay ng taxi na minamaneho ni Papa ang Korean national na kinilalang si Jung Joung Han, sugat sa noo ang tinamo nito.

-Umagang Kay Ganda, ika-20 ng Hulyo 2017.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.