Seguridad sa Metro Manila, itataas sa full alert sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 06:21 PM

Itataas ang seguridad ng Metro Manila sa full alert status sa Lunes, Hulyo 24, araw ng ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Bagama't walang tukoy na banta sa SONA ng Pangulo sa Metro Manila, nasa full alert ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa SONA upang mapigilan ang anumang tangkang panggugulo ng New People's Army (NPA) o anumang grupo, ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde.

Magpapakalat naman na ng skeletal force ang NCRPO sa paligid ng Batasang Pambansa simula Sabado. 

Inisyal na 360 na pulis ang ikakalat sa mga lugar malapit sa Batasan, pero ang buhos ng kanilang puwersa ay dadagsa pagsapit ng alas-4 ng madaling araw ng Lunes. 

Hindi lang ang Batasang Pambansa ang tututukan, kung di maging ang vital installations at matataong lugar sa Kamaynilaan, dagdag ni Albayalde.

Idedestino rin ang Philippine National Police Special Weapons And Tactics (SWAT) sa mga lugar sa Metro Manila. 

Nakipagpulong na rin ang mga awtoridad sa lider ng iba't ibang grupong magpoprotesta at umapela sa kanila na i-monitor ang kanilang hanay sa pangambang malusutan ng mga indibidwal na ang intensiyon ay manggulo sa okasyon.

Nauna nang kumpirmahin ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na may banta ng pangha-harass ang NPA sa Davao bago ang SONA ng pangulo. 

Samantala, ipakakalat din ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines upang matiyak ang seguridad sa araw ng SONA. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News