Motorcycle rider, nagulungan ng trak sa Pasig City

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 07:46 AM | Updated as of Jul 20 2017 08:15 AM

Patay ang isang motorcycle rider matapos magulungan ng trak sa Sandoval Avenue, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City pasado 12:30 ng madaling araw Huwebes.

Batay sa nakuhang identification card, kinilala ang biktima na si Jason Labon.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kalalabas pa lamang sa garahe ng trak na may plakang TUE 222 at pagmamay-ari ng J. Antonio Forwarding Services.

Ang trak ay minamaneho ni Rodolfo Romero na may kargang salamin at patungo na sana sa pier.

Bumangga ang motorsiklo ng biktima sa likurang bahagi ng trak at pumailalim ito.

Tumakbo pa ang drayber ng trak, ngunit isinuko din ito ng kanyang amo sa awtoridad.

Dinala na ang mga labi ng biktima sa Funeraria Quiogue.

Maaari namang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang drayber ng trak. -Umagang Kay Ganda, ika-20 ng Hulyo 2017.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.