Gobyerno, hinto muna sa pakikipag-usap sa mga komunista

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 07:42 PM

Kinansela ng gobyerno ang impormal na pakikipag-usap sa mga rebeldeng komunista dahil sa mga naganap kamakailan na pag-atake ng New People's Army. 

"I am announcing the cancellation of backchannel talks with the CPP/NPA/NDF (Communist Party of the Philippines - New People's Army - National Democratic Front) originally set within the next few days in Europe due to recent developments involving attacks done by the NPAs," pahayag ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza nitong Miyerkoles ng gabi. 

Kailangan din daw munang siguruhing kanais-nais ang sitwasyon kapag ipinagpatuloy na ang mga usapan. 

"The situation on the ground necessary to provide the desired enabling environment for the conduct of peace negotiations are still not present up to this time," aniya. 

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ipagpapatuloy ang pormal na pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista hangga't hindi inihihinto ng NPA ang kanilang pag-atake sa mga puwersa ng gobyerno. 

Inilabas ang desisyong ito matapos tambangan ng mga hinihinalang miyembro NPA ang convoy ng Presidential Security Group sa Arakan, North Cotabato nitong Miyerkoles ng umaga. 

Ginawa ng Pangulo ang kanyang desisyon sa kanyang pakikipagpulong kasama ang mga miyembro ng government peace panel na pinangungunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III. 

"During their meeting held at Malacañang Palace, the President directed the government panel negotiating with the National Democratic Front of the Philippines not to resume formal peace talks unless the Reds agree to stop their attacks against government troops in Mindanao," pahayag ng Palasyo noong Miyerkoles ng umaga. 

Huling sinuspinde ng gobyerno ang ikalimang yugto ng pormal na negosasyon sa mga rebeldeng komunista noong Mayo, dahil na rin sa nagpapatuloy na opensiba ng NPA. 

Isa sa mga prayoridad ni Duterte ang pagtatapos sa deka-dekadang pag-aalsa ng mga komunista. Subalit, pahinto-hinto ang mga negosasyon sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil na rin sa pag-aakusa ng pinuno sa mga komunista ng pagiging doble kara dahil sa nagpapatuloy na pag-atake sa mga puwersa ng gobyerno. 

-- Ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.