DMCI, sisimulan ang imbestigasyon sa palya sa itinatayong Skyway

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 11:17 AM

Tiniyak ng kumpanyang DM Consunji Incorporated (DMCI) na magsasagawa ito ng malalim na imbestigasyon upang mapagbuti pa ang serbisyo matapos na lumundo ang bahagi ng itinatayong Skyway sa Osmeña Highway sa Makati City kahapon.

"Ina-assure naman namin yung public na once na matukoy yung failure dito, kung saan man portion ng ating support system, ay i-improve natin para maiwasan na natin ang pagkaulit nitong pangyayari ito," pahayag ni Dwight Taala, ang Vice President for Operations ng DMCI.

Sa panayam sa DZMM nitong Miyerkoles, sinabi ni Taala na nalinis na ang lugar kung saan nagbagsakan ang mga bakal.

Martes ng umaga nang biglang lumundo ang ginagawang bahagi ng Skyway.

"Tumagilid yung bakal nating ina-assemble dahil hindi naman siya totally nakatali lahat. Tumagilid siya at nalaglag yung ibang mga parte na hindi pa naka fix, bumagsak sa ating daanan sa baba," kuwento ni Taala.

Nagsasagawa na din sila ng imbestigasyon upang matukoy kung saan nagkaroon ng palya sa konstruksiyong ginagawa. Isa sa kanilang titingnan ay ang posibleng kapabayaan ng mismong mga trabahador.

"Gusto naming makita kung saan nagkaroon ng failure para ma-address. Gusto naming malaman kung bakit nagkaroon tayo ng ganitong failure," dagdag pa niya.

Limang manggagawa ang bahagyang nasaktan sa aksidente habang dalawang sasakyan naman---isang Toyota Avanza at isang Honda Jazz--ang nabagsakan ng debris.

"Kahapon pa nagsimula na kaming makipagusap sa mga may ari ng mga nasirang sasakyan at inaayos na namin yung kailangang bayaran o pagsasaayos ng mga na-damage nilang mga kotse," aniya.

Muli, humingi ng pasensiya si Taala sa lahat ng mga naapektuhan ng aksidente.

"Kami ay nanghihingi ng paumanhin sa mga taong naapektuhan. We will try to do better para hindi na maulit ito," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.