Hiling ni Duterte: Batas militar hanggang dulo ng 2017

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 04:30 PM

Ipinanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na palawigin ang batas militar hanggang sa katapusan ng taong 2017.

Sa isang sulat na isinumite ng pangulo sa Kongreso, sinabi niyang kailangang palawigin hanggang Disyembre 31, 2017 ang batas militar dahil hindi tuluyang magugupo ang rebelyon sa Mindanao sa Hulyo 22 na huling araw ng 60-day martial law period. 

"For this reason and because public safety requires it, I call upon the Congress to extend until 31st December 2017 or for such a period of time as the Congress may determine the proclamation of martial law and the suspension of the privilege of the writ of habeas corpus in the whole of Mindanao," pagbasa ni Presidential spokesman Ernesto Abella sa sulat ng pangulo. 

Dagdag pa ni Abella, layon ng posibleng pagpapalawig ng batas militar ang muling pagbangon at pagsasaayos ng Marawi. 

"The primary objective of the possible extension is to allow our forces to continue with their operation unhampered by deadlines and to focus more on the liberation of Marawi and its rehabilitation and rebuilding," ani Abella. 

Ipinadala ng pangulo ang sulat sa Kongreso noong Lunes ng gabi. Inaasahan ding magpapadala siya ng detalyadong ulat sa mga mambabatas. 

Nauna na ring humiling ang pangulo ng isang special session sa Kongreso upang mapag-usapan ang tungkol sa pagpapalawig ng batas militar. 

Idineklara ng pangulo ang batas militar noong Mayo 23 kasunod ng pag-atake ng grupong Maute sa Marawi City. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.