Duterte, nagpaliwanag bago pa ang special session

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 09:03 PM | Updated as of Jul 18 2017 11:36 PM

Idinetalye ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga senador at kongresista ang pinakahuling sitwasyon sa Marawi City at ang lagay ng umiiral na batas militar sa Mindanao, kagabi ng Lunes sa Malacañang. 

Napag-usapan din ang punto para palawigin pa ang martial law sa nasabing lungsod. Nagbigay naman ng opinyon ang ilang mambabatas ukol dito. 

Sentro ng pag-uusap ang krisis sa Marawi. Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, wala siyang narinig sa pangulo na gusto niya ng martial law extension.

"Ang exact words niya is 'nandito ako para kausapin kayo upang malaman ninyo kung ano ang mga nangyayari doon'. Idiniin niya talaga ang terorismo at ang potential na pagkalat nito sa bansa natin," ayon kay Gatchalian. 

Sina Senate president Koko Pimentel at Majority leader Tito Sotto naman ang nagsabi sa ibang senador ng hiling ng pangulo sa Kongreso para sa dalawang buwan o 60 araw na pagpapalawig ng batas militar. 

"Ako nagtanong sa kanya kagabi. Ano ba ang preferred niyong days? 60 days? Tapos tumango siya, so akala ko iyon," ani Pimentel.

Ayon kay Sotto, mismong ang pangulo ang nagsabi sa kanya ng 60 days nang tanungin niya ito kagabi. Kinumpirma ito nina Sen. Gringo Honasan at Sen. JV Ejercito. 

Subalit ang nais ng Palasyo ay higit pa sa 60 araw na pagpapalawig ng batas militar. 

Pagbibigay-diin naman nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Gringo Honasan, Kongreso pa rin ang magdedesisyon kung hanggang kailan ang itatagal ng martial law extension. 

"The Constitution clearly states that Congress, voting jointly, by a majority vote, has the sole authority to extend martial law and since there is no limit specified as to the period of extension, Congress can extend the same for a period of one day 'till kingdom come' or until the end of the world, or not extend at all," ani Lacson.

Nanindigan naman si Sen. Antonio Trillanes IV na pahirap lamang sa mga taga-Mindanao ang martial law extension, gayong nasa 60 na lang ang mga miyembro ng grupong Maute ngayon. 

"It is totally not justified. The AFP itself said the Mautes are down to 60. So, in other words, the people of Mindanao would be inconvenienced by martial law just to neutralize the 60 Mautes who are cornered in Marawi?" ayon kay Trillanes. 

Tiniyak naman agad ni Davao City congressman Alexi Nograles ang suporta ng mga kasama sa hiling na 60-day extension. Hindi naman ito nagustuhan ni Sen. Risa Hontiveros. 

"Ang Kongreso, hindi fast food restaurant. Dapat sa ating mamamayan, makarinig ng exhaustive, malalim, at kritikal na pagtalakay ng Kongreso sa napaka-importanteng issue na ito na may kinalaman sa civil liberties at demokrasya," ani Hontiveros. 

Nakikita naman ni Mon Capsile, isang political analyst, ang punto sa hinihinging pagpapalawig ng batas militar. Ngunit, aniya, tiyak may epekto sa ekonomiya ng bansa ang anumang martial law extension. 

"Maliit man ang contribution ng economy ng Mindanao, eventually, magre-reflect na ito sa GDP natin," ani Capsile. 

Sabado ng umaga magaganap ang joint session ng Senado at Kamara para talakayin ang hinihinging martial law extension ng pangulo. 

Magbibigay naman gn security briefing sa Senado ang mga administrador ng batas militar. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.