6 patay sa salpukan ng van, military truck

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 12:18 PM

MANILA - Patay ang anim na sakay ng isang van matapos makabanggaan ang isang military truck sa Manticao, Misamis Oriental Lunes ng gabi. 

Bahagi ang armored personnel carrier na minamaneho ni Staff Sergeant Danny Tenezo sa convoy ng mga military vehicle na papunta sana sa Laguindingan Airport, Cagayan De Oro para kumuha ng supplies. 

Pero pagdating sa madilim at kurbadang bahagi ng highway sa Manticao, nag-overtake ang truck ni Tenezo sa mga sinusundang sasakyan, dahilan para sumalpok ito sa kasalubong na van.

Agad na namatay ang van driver at 4 pang pasahero. Idineklara namang dead on arrival ang isa pang pasahero pagdating sa ospital. 

Nasugatan ang 9 pang pasahero, kabilang ang isang motorcycle rider na nadamay sa aksidente. 

Nasa kustodiya na ng pulisya si Tenezo, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide. -- Ulat ni Maricel Butardo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.