3 terminal ng bus sa EDSA, ipasasara

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 06:37 PM | Updated as of Jul 19 2017 01:16 AM

Tatlong terminal ng bus sa EDSA ang ipasasara bukas samantalang pito naman ang bibigyan pa lamang ng closure order ng Metropolitan Manila Development Authority, paglilinaw ng MMDA ngayong Martes ng gabi. 

Ipasasara ang tatlong terminal ng bus sa EDSA Miyerkoles ng umaga dahil sa paglabag sa 'nose-in, nose-out' policy ng MMDA, ayon kay Bong Nebrija, Supervising Officer for Operations ng MMDA, sa panayam sa DZMM Teleradyo Martes ng gabi. 

Kasama sa mga siguradong ipasasara ang DLTB Bus Co., Dimple Star, at Roro Bus Transport. Maaaring magbaba at magsakay sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao ang mga bus ng mga ito.

Hangga't hindi inaayos ng mga nasabing terminal ang kanilang proseso at hangga't hindi sila nakasusunod sa mga rekisito ng MMDA, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at lokal na pamahalaan, mananatiling sarado ang kanilang mga terminal. 

Samantala, bibigyan pa lamang ng notice for closure ang mga sumusunod na pitong terminal:

Southbound
Lucena Lines
Raymond Transportation
Saint Rafael Transport Lines Inc.
Our Lady of Salvation Bus Line Inc.

Northbound
JAM Liner 
Superlines Transportation Co.
Victory Liner 

Dedepende sa Business Permits and Licensing Office ng Quezon City ang pagkakansela sa permit ng pitong nabanggit na terminal. 

"Wala po talaga ang MMDA sa aming side na magpasara. Kaya po ang coordination namin ay with LGU, kasi sila po ang nag-iisyu ng business permit sa mga iyan," ayon kay Nebrija. 

Maaari pa rin namang magbaba at magsakay ng mga pasahero sa terminal ang pitong bus company na bibigyan pa lamang ng notice for closure. 

Sinasabing ilegal ang mga provincial bus terminal sa parehong northbound at southbound area ng EDSA dahil wala ang mga itong maayos na proseso ng pagpasok at pag-alis mula sa terminal kaya nakadadagdag umano ito sa matinding trapiko, ayon kay Jojo Garcia, OIC Chief for Planning ng MMDA. 

Matagal na ring inabisuhan ang mga terminal na ito na ayusin ang kanilang proseso bago pa man ipasara, dagdag ni Garcia. 

-- Ulat nina Doris Bigornia at Apples Jalandoni, ABS-CBN News


EDITOR'S NOTE: Sa isang naunang ulat, 10 terminal ng bus ang naiulat na ipasasara, base sa pahayag ni Jojo Garcia, OIC Chief for Planning ng MMDA, nitong Martes. Kinagabihan, nilinaw ni Bong Nebrija, Supervising Officer for Operations ng MMDA, sa panayam sa DZMM TeleRadyo na tatlo at hindi 10 ang isasarang bus terminal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.