SAPUL SA CCTV: Barangay chairman, patay sa pamamaril sa Teresa, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 06:07 AM

Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Teresa, Rizal.

Kinilala ang biktima na si Arvin Dexter Zapanta, barangay chairman ng Barangay San Gabriel.

Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa ulo.

Nakita sa CCTV na naglalakad ang biktima sa tapat ng day care center ng kanilang barangay nang lapitan ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Bumunot ng baril ang angkas at binaril ang biktima.

Tumakas ang mga suspek gamit ang motorsiklong walang plaka.

Hindi pa rin alam ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Ayon kay Senior Inspector Renato Torres, hepe ng Teresa PNP, ipapadala nila ang kopya ng CCTV sa Camp Crame upang makatulong sa pagtukoy ng mga salarin. -Umagang Kay Ganda, ika-18 ng Hulyo 2017.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.