Pulis na umano'y nambugbog ng anak hinuli

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 09:28 AM

MAYNILA - Dinala sa barangay ang isang pulis sa Quezon City Linggo ng hatinggabi matapos ireklamo ng pambubugbog ng anak.

Kinilala ang suspek na si Supt. Lorenzo Bacia, na kababalik lang pala sa serbisyo matapos masuspende.

Kuwento ng anak, galing sa inuman ang pulis at pag-uwi sa bahay ay pinagsisigawan ang kanyang mga anak.

Pinigilan siya ng isa sa mga anak pero imbes na tumigil, nagalit ito at saka nambugbog.

"Ganun din daw yun pag nalalasing e," sabi ng barangay tanod na si Froilan Macabenta na kumusap sa anak ni Bacia.

Depensa naman ni Bacia, hindi siya nangmamaltrato at dinidisiplina lang niya ang kanyang anak.

Nang tanungin kung bakit ito nagalit at kung ano ang ginawa niya sa kanyang anak, wala na itong maisagot.

Pinag-aaralan na ng pamilya kung sasampahan nila ng kaso ang padre de pamilya.