Pagpaslang sa doktor sa Cavite iimbestigahan ng NBI

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 06:24 PM

MANILA - Inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation Lunes na imbestigahan ang pagpaslang ng mga naka-motorsiklong suspek sa isang provincial health officer ng Cavite kamakailan. 

Sa bisa ng Department Order 486, magsasagawa ang NBI ng imbestigasyon at case build-up sa pamamaril kay Dr. George Repique Jr. sa Trece Martires, Cavite noong gabi ng Hulyo 11. 

Malapitang binaril ng hindi nakilalang gunman si Repique habang pauwi kasama ang kanyang driver na si Riorito Bacasa. 

Nagtamo ang doktor ng 5 tama ng bala habang tinamaan naman sa hita ang kanyang driver.

Pinagsusumite ni Aguirre ang NBI ng ulat sa sandaling matapos na nito ang kanilang imbestigasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.