Libreng skills training, pinilahan ng mga 'bakwit' ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 06:36 PM

Pinilahan ng mga lumikas na residente mula sa Marawi ang libreng technical-vocational skills training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Iligan City. 

Para sa higit 5,000 lumikas mula Marawi City ang training na ito ay inaasahang makatutulong magbigay sa mga 'bakwit' ng kabuhayan sa kanilang nilikasang lugar, at makapagdagdag sa kanilang kita sa oras na makabalik sa Marawi. 

Makikinabang mula sa skills training scholarship na ito ang 4,500 na lumikas sa Iligan at Lanao del Sur, at 900 na lumikas sa Cagayan de Oro. 

Isa sa mga 'bakwit' na umaasang matututo mula rito ay si Abdul Panambulan, isang tricycle driver nang 13 taon sa Marawi.

Aniya, nais niyang pag-aralan ang massage therapy para makapaghanapbuhay habang nasa Iligan City. 

"Mas maganda, marami alam ang tao. Hindi lang driver, massage. Basta kung ano ang alam mo, gamitin mo," ani Panambulan. 

Maliban sa massage therapy, may iba pang mga skill na maaaaring matutuhan gaya ng beauty care servicing, handicraft, bread and pastry, at cookery. 

Aabot sa 15 araw hanggang dalawang buwan ang training, depende sa technical-vocational skills na pipiliin. 

Bibigyan din ng starting tools ang mga 'bakwit' upang agad na makadiskarte ng hanapbuhay pagkatapos ng training. 

Mayroon ding P100 allowance sa bawat araw.

Ayon sa TESDA, isa itong paraan upang tulungang bumangon ang mga taga-Marawi. 

"We really have to move. We really have to be positive kasi we just cannot contain ourselves. Titingala and then ano pa? So ang ganitong intervention coming from our government, we'll really have to maximize. So that, pag ready na, ready na sila para tumulong sa pag-rebuild sa Marawi city," ayon kay Tarhata Mapandi, provincial director ng TESDA-Lanao del Norte. 

-- May ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.