Kakulangan sa bentilasyon, tinitingnang dahilan ng sunog sa QC mall

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 07:23 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:13 AM

Nasunog ang bahagi ng SM North EDSA sa Quezon City, kagabi ng Linggo. Kakulangan sa bentilasyon ang isa sa nakikitang pinagmulan ng sunog, ayon sa Bureau of Fire Protection. 

Naiulat na nasunog ang bodega ng mga laruan sa ikaapat na palapag ng SM North EDSA kagabi ng alas-8:30. Nadamay sa sunog ang ikatlong palapag ng nasabing mall. 

Agad namang pinalabas ang mga mamimilli at mga empleyado sa bahaging apektado.

Umabot ang sunog sa ikatlong alarma, bago idineklarang naapula na ang apoy pasado alas-10 ng gabi. 

Sinasabing kakulang sa bentilasyon ang isa sa mga maaaring pinagmulan ng apoy. 

"Kapag ang warehouse, walang pumapasok na hangin at mainit, puwedeng mag-cause ng apoy iyan. Sa nakita ko, may ventilation problem," ayon kay Inspector Rodelio Bernabe. 

Hindi rin umano agad gumana ang mga sprinkler ng mall. 

"Gumana pero matagal kasi mataas. Sabi ko, ibaba nila," dagdag ni Bernabe. 

Kasalukuyan pang inaalam kung magkano ang halaga ng napinsala ng apoy. 

Samantala, sinabi naman ng SM North EDSA sa kanilang opisyal na pahayag na kaagad umaksiyon ang kanilang emergency response team, at walang nasaktan sa insidente. 

Normal nang muli ang operasyon ng mall sa kabila ng insidente. Bukas ang mall mula alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, ayon sa Facebook post nito. 

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.