Jeepney drivers, nagbabala: Mabigat na trapiko, mauulit sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 08:15 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:23 AM

Nagdulot ng trapiko at abala sa mga estudyante't manggagawa ang isinagawang protesta ng mga tsuper ng jeep ngayong Lunes. 

Ayon sa mga jeepney driver, patikim pa lamang ito sa isasagawa nilang welga sa pangalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na Lunes.

Kasabay ng pagpasok sa eskuwela at trabaho ngayong Lunes ang isinagawang transport caravan ng grupong PISTON. 

Nagmartsa ang grupo mula Quezon Memorial Circle hanggang Mendiola na malapit sa Malacañang gate upang maiparating sa Pangulong Duterte ang kanilang hinaing na huwag nang ituloy ang jeepney modernization program. 

"Gusto namin, within the day, magsalita si Pangulong Duterte. Sabihin niya kung ano posisyon niya. Huwag siya manahimik. Kung di kami pakikinggan at kakampihan ni Pangulong Duterte, mag-aaklas kami sa SONA niya," ayon kay George San Mateo na presidente ng grupong PISTON.

Halos buong España ang kanilang nasakop kaya nagdulot ng trapiko ang protesta. 

Nahirapan ding sumakay papasok ng eskuwelahan at trabaho ang mga estudyante at manggagawa dahil sa isinagawang transport strike. 

"Abala sila kasi mahirap sumakay ngayon," ayon sa isang estudyante.

May ilang paaralan namang nagsuspinde ng klase

Apektado rin ang ilang negosyo.

"Kanina pa dapat ako nandoon. Magdadalawang sakay pa ako, e di konti na lang makukuha kong labada," ayon sa negosyanteng si Thelma Sabile. 

Ipinanawagan ng mga tsuper ng jeep na huwag nang ituloy ang jeepney modernization program dahil nag-aalala sila sa magiging epekto nito sa kanilang hanapbuhay.

"Pag pumasok kami diyan, ang bubuhayin namin, Land Bank. Ang sasakyan, hindi sigurado kung wala pang six months, babatakin na 'yan ng bangko," ani San Mateo.

Sa ilalim kasi ng programa, plano ng gobyernong gawing mas moderno ang mga jeep, kaya papalitan ang disenyo nito upang maging mas ligtas ito at upang mabawasan na rin ang polusyon. 

Tutulungan naman daw ng gobyerno ang mga tsuper at operator ng jeep upang maging mas madali ang panghihiram ng pambili ng bagong jeep sa bangko. Mabibigyan din sila ng pang-downpayment. 

Maaari ring hindi naman mawala ang tradisyunal na hitsura ng jeep, ngunit dapat ay mag-iba na ang tawag sa magiging modernong bersiyon nito, ayon sa pamilya Sarao na nagdidisenyo ng jeep.

"Hindi na jeepney ang tawag doon. Commuter bus na. Hangga't may commuters na tumatangkilik sa traditional jeepney, nandito pa rin kami para sa kanila," ayon kay Ed Sarao.

Sa mga nakaraang panayam naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, nanindigan ang ahensiya na itutuloy ang jeepney modernization program. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.