Duterte, nagpatawag ng special session para sa martial law

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 09:20 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:09 AM

Ipatatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Kongreso sa isang "special session" upang pag-usapan ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. 

Ipinadala ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang mensahe sa mga mambabatas upang magpulong sa Sabado, Hulyo 22, simula alas-9 ng umaga, ukol sa nasabing isyu.

Sinabi rin ni Senador Vicente "Tito" Sotto III na hiniling ni Duterte ang pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao.

Nakipagpulong si Sotto, kasama ang iba pang mambabatas, kay Duterte sa Malacañang para sa draft ng Bangsamoro Basic Law at iba pang usapin.

Nauna nang magbigay ng rekomendasyon sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao ang Department of National Defense at Philippine National Police.

Matatapos ang 60 araw na batas militar sa Hulyo 22. 

Idineklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa Mindanao noong Mayo 23, kasunod ng pag-atake ng grupong Maute sa Marawi. 

-- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.